Bird flu test sa magbabalik-bayan ngayong Kapaskuhan

Upang mapanatiling ligtas pa rin ang bansa sa kinatatakutang "bird flu virus", isasailalim ng Deparment of Health (DOH) sa mandatory health examination ang mga balikbayang Pinoy at mga dayuhan na inaasahang magsisiuwi ngayong nalalapit na Kapaskuhan.

Sinabi ni Dr. Luningning Villa, program manager ng DOH, umpisa ngayong Nobyembre ay magbabalikan na ang mga OFW buhat sa ibang bansa. Nararapat umano na tiyakin ng pamahalaan na hindi tayo malulusutan ng mga kababayan natin na posibleng may taglay na H5N1 virus.

Dadaan din sa pagsusuri ang mga dayuhan na ang pinanggalingang mga bansa ay may mga kaso ng bird flu o pinaniniwalaang meron nito. Sa paglapag pa lamang nila sa mga paliparan ay isasailalim na sa thermal scanner tests at sanitary foot baths ang mga ito.

Base sa record, meron nang naitatalang 121 kaso ng bird flu sa buong mundo, 62 ang namatay. Karamihan sa mga bansang tinamaan ay Vietnam, Thailand, Indonesia at Cambodia. Pinaniniwalaan namang talamak na ang kaso nito sa China at ilang bansa sa Europa. (Danilo Garcia)

Show comments