Ang pagdalaw sa puntod ng ating mga minamahal tuwing Undas ay isang kaugaliang Pilipino na ating isinasagawa taun-taon. Tuwing ika-1 ng Nobyembre, dinarayo ng mga buhay ang mga sementeryo bilang paggunita sa mga nilalang na naging bahagi ng ating buhay. Sa araw na ito ay tila di mahulugang-karayom ang mga libingan sa dami ng tao, sasakyan at mga munting tindahan sa loob at labas. Bitbit ng mga nagsisidalaw ang mga bulaklak, kandila, pagkain, inumin, tarapal sa init o ulan, bagay-libangan at iba pa.
Ang mga nagsisikipang sementeryo natin ay wala o kulang sa pinaiiral na sistema upang mapamahalaan ang basura sa wastong paraan.
Pahayag ni Eileen Sison, tagapangulo ng EcoWaste Coalition: "Ang Araw ng mga Patay ay araw ng paggunita at hindi araw ng paglikha ng basura sa himlayan ng mga mahal na pumanaw. Sa simpleng pamamaraan ay maidaraos natin ito na walang pag-aaksaya.
Idinudulog ng Eco Waste Coalition ang mga sumusunod na praktikal na paalaala at pamamaraan upang makaiwas sa paglikha ng basura ngayong Undas:
Pagdarasal. Ang mataimtim na panalangin ang pinakamainam na paraan ng paggunita sa ating mga kapamilya, kapusot kaibigan na sumakabilang-buhay na. Sa simpleng pagdarasal ay maidaraos natin ang Undas na walang gastos, pag-aaksaya at paglikha ng basura at polusyon na sa kinalaunan ay makakapinsala sa kalusugan, kapaligiran at mismo sa sariling buhay.
Bulaklak. Wala nang mas iinam pa sa pag-aalay ng sariwang bulaklak na tanda ng busilak na pagmamahal at walang hanggang paggunita. Hindi kailangang bumili ng mamahaling "bouquet" o kayay plastik na bulaklak na may kulereteng mga laso at ibinalot pa sa maninipis na plastik. Ang bulaklak ay nabubulok subalit hindi ang balot na plastik na liliparin lamang ng hangin, magiging kalat sa paligid o bara sa mga lagusang tubig. Kung nais pa ring ibalot ang mga bulaklak, maaaring gumamit ng lumang papel, dyaryo o dahon ng saging.
Kandila. Magtirik lamang ng sapat at iuwi ang matitira, pati ang pinaglagyan, kung mayroon. Iwasan ang mga kandilang lumilikha ng uling (soot) na nakadaragdag ng dumi sa hangin at kapaligiran. Tiyaking walang mitsang metal (metal wick) ang kandilang bibilhin na maaaring magbuga ng lead (isang heavy metal na mapanganib sa kalusugan). Ang mitsang metal na ginagamit upang mapatagal ang sindi ay karaniwang makikita sa mga malalaking kandila (pillar candle), mga kandilang ibinuhos sa bote (candle in glass container) at mga kandilang may pabango (scented candle).
Pagkain at Inumin. Iwasan ang paggamit ng plastik o styrofor na madalas ay napupunta sa mga tambakan ng basura o sa mga kanal, ilog o dagat pagkagamit. Magbaon o bumili lamang ng sapat at di labis. Mas makakabuti kung ilalagay natin ang ating mga baon at mga bibilhing pagkain sa dahon ng saging o sa mga lalagyang maiuuwi, mahuhugasan at magagamit muli. Magbaon ng basot pitsel upang di na gumamit ng plastik at istro sa tubig, palamig o softdrinks.
Basura. Bitbitin pauwi ang ating mga panapon dahil kulang o kalimitan ay walang mga hiwalay na basurahan sa sementeryo. Huwag paghaluin ang nabubulok at di nabubulok upang pagdating sa bahay ay madaling mailagay ang mga ito sa tamang lalagyan. Ang mga munting panapon tulad ng tiket ng bus, balat ng kendit supot ng tsitsirya ay ilagay na lang muna sa bag o bulsa. Huwag na huwag pong magkalat, magtambak o magsunog ng basura sa loob at labas ng sementeryo.