Ayon sa isang source mula sa Department of Interior and Local Government (DILG), ginagamit umano ni Chief Insp. Agapito Nacario, na kasalukuyang hepe ngayon ng Caloocan City Fire Dept. sina Reps. Joey Salceda, Bingbong Crisologo at Tony Serapio bilang kanyang "pamato."
Sa panayam, inamin naman ni Nacario na kilala nito si Rep. Salceda bilang kanya lamang "kababayan" sa Bicol habang si Serapio ay kilala niya noong siyay nanunungkulan sa Valenzuela City ngunit itinanggi niyang ginagamit niya ang mga ito.
Itinanggi rin ni Nacario ang mga ulat na siya umano ang dahilan kaya hindi tuluyang makapag-appoint ng permanenteng fire marshal ng Valenzuela City si Bureau of Fire and Protection Chief Director Rogelio Asignado.
Sa kasalukuyan ay inappoint si Chief Insp. Juan Reyes bilang officer-in-charge (OIC) sa Valenzuela fire post dahil sa nakatakda nang magretiro sa Enero si Chief Insp. Efren Yadao.
Wala pang nailalagay si Asignado para sa puwesto at sinasabing si Nacario umano ang nais nitong ilagay sa posisyon ngunit mariin naman itong itinanggi ng huli sa pagsasabing hindi umano ito interesado.
"Parang demotion na sa akin pag bumalik pa ako sa Valenzuela dahil hamak na mas malaki itong puwesto ko sa Caloocan pero kung gusto nila ako ibalik sa Valenzuela, eh sino ba naman ako para tumanggi," ani Nacario.