Sa isang panayam, sinabi ni de Venecia na solid pa rin sa kanya ang Sunshine Coalition na kinabibilangan ng Lakas-CMD, Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi), Nationalist Peoples Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), Liberal Party (LP) at party-list representatives.
Napaulat na balak ni Pichay na sungkitin ang puwesto ni de Venecia dahil sa isyu ng Charter Change na magpapaikli ng termino ni Pangulong Arroyo. Kilala si Pichay na malapit kay First Gentleman Mike Arroyo.
Si Negros Oriental Rep. Jacinto Paras ang nagbunyag na ginagapang na ni Pichay ang puwesto ni de Venecia.
Ayon kay Paras, 65 kongresista na ang nahihimok ni Pichay na sumuporta sa kanya kapag kumandidatong Speaker.
Idinagdag naman ni de Venecia na sanay na siya sa isyu kung saan palaging may nagtatangkang umagaw ng kanyang posisyon bilang Speaker.
Bago mag-recess ang Kongreso, nagmosyon si Zamboanga del Sur Rep. Antonio Cerilles, kasapi ng NPC, na ideklarang bakante ang lahat ng posisyon sa Kamara de Representantes. (Malou Rongalerios)