Ayon sa intelligence report, ginagamit ng mga komunista ang mga kilos-protesta na pinangungunahan ng grupong kilala bilang Third Force na siya namang nag-aambisyong mapabagsak ang gobyerno ni Pangulong Arroyo.
Sinasabi sa report na aktibong nag-oorganisa sa mga rally at martsa ang mga miyembro ng rebeldeng grupong Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA) at mga personalidad na kilalang makakaliwa.
Ang nasabing grupo, ayon pa sa report, ang nag-uudyok din sa Third Force na kinabibilangan nina dating VP Teofisto Guingona at natalong vice presidential bet Oscar Orbos at ex-Sen. Rene Saguisag na mag-alsa.
Tinukoy sa report ang maliliit na mga rally na inoorganisa ng Kaliwa sa mga kanayunan kasabay ang ilang planong malawakang pagkilos sa kamaynilaan kung saan naman ang Third Force ang magsisilbing cover para sa makakaliwa.
"They are using outdated politicians to hide the real force behind the plot to destabilize the country and advance an obsolete ideology," pahayag ng report.
Sinasamantala rin anya ng mga komunista ang sitwasyong pulitikal sa bansa at ngayon ay malayang nakapagsisindi ng apoy ng rebelyon sa mga inosenteng pagpupulong sa mga kolehiyo at unibersidad at maging sa simbahan.
Sinasabi pa na maaaring walang kamalay-malay ang Third Force na ginagamit lamang sila ng CPP-NPA bilang Trojan Horse upang makapag-agaw lamang ng kapangyarihan ang nasabing terrorist group. (Ellen Fernando)