Sa presentasyon na isinagawa ng Department of National Defense sa ginawang pagdinig ng House committee on appropriations para sa 2006 budget ng ahensiya, mayroong 33 miyembro ang Jemaah Islamiyah (JI) na nag-o-operate sa Pilipinas simula pa noong 2004.
Ang 33 JI members ay kabilang sa grupong "Wakaiah Hedeibiah" at pawang mga Indonesians na pinamumunuan ng isang "Mantiqui 3".
Ayon pa sa DND report, mayroong 27 ibat ibang klaseng armas ang 33 JI members.
Bagaman hindi isiniwalat kung magkano ang ibibigay na reward sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga terorista, sinabi ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, chairman ng komite, na malaki ang magagawa ng mga mamamayan para mapigilan ang paghahasik ng karahasan ng nasabing grupo. Makakatulong din ang reward para mahikayat ang mga sibilyan na makipagtulungan sa militar sa paghuli sa JI members.
Namonitor ng AFP ang entry routes ng mga JI at naaresto na rin ang ilan sa mga ito kabilang sina Sammy Abdulgani alias "Harrison" at isang Abdulla Jordan.
Matatandaan na nagpalabas ang US ng $11 milyong reward laban kina Dulmatin at Umar Patek upang mapadali ang pagdakip sa dalawang naturang Bali bombers.