Sa apat na pahinang resolution ng SC, sinabi nito na walang basehan upang katigan nito ang inihaing "motion to dismiss the protest" ni de Castro para hindi na muling bilangin ang mga boto mula sa mga probinsiya ng Lanao del Norte, Lanao del Sur at Surigao del Sur.
Ipinaliwanag ng SC na hindi sapat na basehan ang pagkakaiba ng idineklarang bilang sa supplemental manifestation at sa manifestation sa inihain ni Legarda.
Hindi rin kinatigan ng SC ang argumento ni de Castro na dapat itulad ng PET ang inihaing protesta ni Legarda sa kaso ng Peña vs House of Representatives, kung saan ibinasura ang inihaing petition ni Peña dahil hindi nito inisa-isa ang mga kwestyonableng presinto.
Binigyang-diin ng SC na sa inihaing protesta ni Legarda ay naisa-isa nito ang mga presintong kinukuwestiyon kung kayat hindi maaaring basta na lamang maibasura.
Magugunita na naghain ng protesta si Legarda sa PET dahil sa talamak na dayaan umano sa mga lalawigan ng Lanao del Norte, Lanao del Sur at Surigao del Sur kung saan nadaya umano siya sa 474 presinto dito.
Kung saan naglagak din si Legarda ng deposito sa SC na nagkakahalaga ng P4,084,500 para sa isasagawang panibagong pagbibilang ng mga balota sa mga nasabing probinsiya. (Grace Amargo-dela Cruz)