Sinabi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na dapat nang bakantehin ni Defensor ang DENR at bawiin ng mga miyembro ng CA ang appointment nito matapos itanggi ng US expert na si Barry Dickey ang mga pahayag ng kalihim sa ginawa nitong press conference noong Biyernes na spliced ang sinuring "Hello Garci" tape.
"The CA is highly obliged to make an immediate reversal of its previous decision upholding the game plan of Malacañang to designate Sec. Defensor as DENR secretary. What Defensor did which constitutes grave betrayal of public trust and national affront to the collective intelligence and national interest of the people merits an outright political rejection," wika ng Pamalakaya.
Hinikayat din ng militanteng grupo si Dickey na magsampa ng kasong kriminal at sibil laban kay Defensor dahil sa pagbaluktot nito sa resulta ng ginawang pagsusuri sa kontrobersiyal na tape.
Nilinaw naman ni Defensor na hindi siya ang nagsabing spliced ang ilang portion ng tape kundi ang Filipino sound audio expert daw na si Jonathan Tiongco na siyang nakausap ni Mr. Dickey.
Iginiit pa ng grupo na ang trabaho ni Defensor ay protektahan ang ating kalikasan sa pamamagitan ng paghuli at pag-aresto sa mga illegal loggers, mga big-time mining corporations na sumisira sa ating kapaligiran at hindi protektahan ang ginawang pandaraya ng Pangulo noong nakaraang eleksiyon.