Sinabi ni BIR officer-in-charge Jose Mario Bunag, bubusisiin ng ahensiya ang mga ari-arian ni Mosqueda kasama na ang kontrobersiyal na "Bahay-Kubo" nito sa Alfonso, Cavite.
Batay sa pagdinig sa Senado, si Mosqueda ay nagmamay-ari ng isang 3-storey bahay na may halagang P1.3 milyon na may kasamang swimming pool at basketball court.
Sinasabing nabili ni Mosqueda ang bahay na ito mula sa perang kinita mula sa jueteng partikular na sa jueteng operation sa Bicol region.
"We will look into it. Hindi natin puwedeng palampasin ang mga taong ito sa tax evasion cases," pahayag ni Bunag.
Binigyang diin pa ni Bunag na maging ang iba pang personalidad na sinasabing nagkamal ng malaking halaga ng salapi sa jueteng ay iimbestigahan ng ahensiya.
Samantala, kinasuhan naman ng tax evasion ng BIR ang Mitsuko Philippines Corp., isang Customs bonded warehouse na may kinalaman sa pagbebenta ng Christmas decor dahil sa pagkabigo nitong magbayad ng buwis ng halagang P165 milyon mula 1998 hanggang 2002.
Ayon sa BIR, aabot sa P1.5 bilyon ang halaga ng resin material na naaangkat ng Mitsuko ng walang ibinabayad na buwis mula sa kanilang operasyon sa loob ng limang taon. (Ulat nina Angie dela Cruz at Grace dela Cruz)