Batay sa impormasyong nakalap kahapon ng ilang miyembro ng media na nakabase sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), noong nakaraang Huwebes pa (Hulyo 14) ng gabi umalis si Garcillano.
Isang opisyal ng Manila International Airport Authoroty (MIAA) na tumangging magpabanggit ng pangalan ang nagsabi na sumakay si Garcillano sa Subic Air Lear jet na may tail no. RP-C1426 sa Manila Domestic Airport na pinalipad ni Capt. Art Santos patungong Singapore. Posibleng mula Singapore ay tutulak patungong Estados Unidos si Garcillano.
Idinagdag ng source na may dalawa pa umanong hindi nakilalang tao ang kasama ni Garcillano na pinaniniwalaang miyembro ng kanyang pamilya.
Sa pag-alis ni Garcillano sa bansa ay tuluyan na rin nitong inabandona ang malaking gusot na nilikha ng "GMA-Garci tape" na nagdulot ng matinding krisis sa pulitika at ekonomiya.
Kaugnay nito, tinangkang kunin ng media ang panig ng Subic Air Aviation para sa kumpirmasyon ngunit walang gustong magbigay ng pahayag. Ang serbisyo ng nasabing aviation company ay madalas kunin ng ilang matataas na opisyales ng pamahalaan at pribadong sektor.
Nagpalabas lamang nitong nakalipas na linggo ng warrant of arrest ang Mababang Kapulungan ng Kongreso laban kay Garcillano matapos na mabigo ito na dumalo sa isinasagawang pagdinig hinggil sa "Gloriagate CD". (Ulat ni Butch Quejada)