Inamin kahapon ng Department of Tourism (DOT) na bagsak ngayon ang industriya ng turismo sa bansa dahil sa banta ng destabilisasyon dulot ng kontrobersiyal na Gloriagate scandal.
Sinabi rin ni Philippine Tourism Authority (PTA) General Manager Robert Dean Barbers na nararapat na maresolba sa mabilis na panahon ang krisis pampulitika dahil sa lubhang apektado nito ang industriya ng bansa.
Dahil sa banta ng destabilisasyon at kudeta laban sa kasalukuyang gobyerno, nagdadalawang-isip na magbakasyon sa bansa ang mga turista dahil sa takot na maipit sa kaguluhan rito.
Idagdag pa rito ang ipinalabas na "travel advisory" ng bansang Canada sa mga mamamayan nito na pansamantalang iwasan ang pagpunta sa Pilipinas dahil sa pagiging "unstable" ng gobyerno.
Kasabay nito ay inihayag ng Malacañang ang pagkakahirang kay dating Negros Oriental Congressman at Land Bank president Margarito "Gary" Teves bilang kapalit ng nagbitiw na si Finance Secretary Cesar Purisima.
Ang pagtatalaga kay Teves ay inaasahang makakatulong ng malaki sa pagsasaayos ng sitwasyong pampananalapi ng bansa na naapektuhan ng krisis pampulitika. (Ulat nina Danilo Garcia/Lilia Tolentino)