Sa botong 13-2, nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte na pumipigil sa implementasyon ng nasabing batas.
Sa 6-pahinang resolusyon ng SC en banc, pinigilan nito sina Executive Sec. Eduardo Ermita, Finance Sec. Cesar Purisima at BIR chief Guillermo Parayno sa patuloy na pagpapatupad ng dagdag buwis na nilagdaan ni Pangulong Arroyo.
Labing-tatlong mahistrado ang pumabor na magpalabas ng TRO at dalawa ang kumontra na sina Chief Justice Hilario Davide Jr. at Asso. Justice Reynato Puno.
Bukod dito, inatasan din ng High Tribunal ang mga respondents na maghain ng kanilang komento sa loob ng 10 araw. Itinakda ang oral arguments sa Hulyo 26, alas-11 ng umaga.
"Now therefore, effective immediately and continuing until further orders from the court, Exec. Secretary Ermita, Secretary of Finance Purisima and BIR Commissioner Parayno, your agents, are hereby enjoined from enforcing and implementing Republic Act 9337, otherwise known as E-VAT Tax, Act of 2005," anang resolusyon.
Ang TRO ay mananatili hanggat walang kautusan ang SC na ito ay alisin at pormal na maipatupad.
Una nang hiniling ng mga petitioner na kinabibilangan ng mga gas at petroleum dealers at congressmen sa Korte Suprema na pigilan ang pagpapatupad ng nasabing batas dahil unconstitutional ito.
Iginiit ng mga kongresista na tanging ang Kongreso lamang ang may kapangyarihan na magtakda ng fixed rate sa buwis at hindi ang Pangulo. (Ulat ni Grace dela Cruz)