Templo sibak sa Customs

Sinibak kahapon sa puwesto ni Customs Commissioner Alberto Lina ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Customs dahil sa umano’y pagbibigay ng impormasyon sa media kaugnay sa nadiskubreng matataas na uri ng armas at bala sa Manila International Container Port (MICP) noong nakaraang linggo.

Nainis si Lina sa ginawang aksyon ni Deputy Commissioner for Intelligence and Enforcement Division chief Celso Templo nang ipaalam kaagad sa media ang nakitang may 100 piraso ng armas na nakalagay sa may 7 sa 326 balikbayan boxes na nasa warehouse ng MICP sa North Harbor noong Hunyo 14.

Ipinalit kay Templo si Customs Director III Galliant Soriano kung saan nilampasan nito ang iba pang opisyal na may puwestong Director IV at V.

Inilagay naman si Templo sa dating puwesto ni Soriano bilang deputy for assessment and monitoring coordinating group na maituturing na ‘floating status’ na puwesto sa Customs.

Ayon kay Lina, hindi dapat isiniwalat agad ni Templo sa media ang nadiskubreng mga baril dahil maaaring makasira ito sa mga pangalan ng consignees na hindi pa tiyak na sangkot sa gun smuggling.

Naniniwala naman ang isang insider na napulitika umano si Templo sa Customs dahil lamang sa simpleng aberya ng pagbibigay ng impormasyon sa media. Si Templo ay matagal nang naninilbihan sa Customs mula pa noong panahon ni dating Pangulong Marcos. (Ulat ni Gemma Garcia)

Show comments