Base sa affidavit ni ISAFP agent Sgt. Vidal Doble, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Arturo Lomibao na inamin ng nasabing intelligence agent na binayaran siya ni Ong ng P2-M subalit ang pera ay nanggaling kay Enriquez para i-wiretapped ang usapan sa telepono nina Pangulong Arroyo at Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.
Ayon kay Lomibao, sa testimonya ni Doble nitong Hunyo 15 sa Police Anti-Crime Emergency Response (PACER), itinanggi nito ang alegasyon ni Ong na siya ang source ng mother of all tapes laban kay Pangulong Arryo.
"Technical Sgt. Doble revealed that he was paid by Atty. Ong of P2 million immediately after he appeared in a scripted authentication (of the alleged wiretapped tape) covered by audio-video recording," ani Lomibao sa press briefing sa Camp Crame.
Naganap umano ang bayaran sa isa sa mga kuwarto sa ikalimang palapag ng Imperial Hotel na matatagpuan sa Timog Ave., Quezon City na sinaksihan ng kapatid ng ISAFP intel agent na si Reynaldo at kaibigan nitong babae na si Marietta Santos.
Nasa lugar din umano si Angelito "Lito" Santiago, ang pinagkakatiwalaang driver/bodyguard ni Ong, isang NBI photographer na nakabakasyon habang si Ong ay may kasama umanong Chinese mestizo at may dala ang mga itong videocam at isang bag na naglalaman ng pera.
Sinabi ni Lomibao na inamin ni Doble na pinipilit umano siya ni Ong para i-authenticate ang nasabing "mother of all tapes" nang ipagsama siya nito sa kanyang kuwarto at ipakita ang larawan ng kanyang pamilya na nakalatag sa kama kasama ang naturang halaga.
Ang pera ay pinaghatian umano nina Doble, kapatid niya at Santiago na nakatanggap ng P250,000 habang P75,000 naman sa babaeng kasama nila.
Sa kabila nito ay wala namang maipakitang pruweba ang PNP na sangkot din sa wiretapped scandal si Enriquez maliban sa testimonya umano ni Doble.
Kaugnay nito, sinabi ni Lomibao na ipatatawag na nila sa susunod na linggo sa Camp Crame si Enriquez upang magbigay-linaw sa kasong ito. (Ulat ni Joy Cantos)