Armed group ng newsmen binuo

Dahil sa sunud-sunod na pagpatay sa hanay ng media ng mga taong ayaw mabatikos at malantad ang kabulukan sa publiko, binuo ng mga mamamahayag sa bansa ang isang armadong grupo kung saan baril ang kanilang armas sa pagtatanggol sa kanilang mga sarili.

" We believe in the adage that the pen is mightier than the sword. It will always be", pahayag ni Joel Sy Egco, reporter ng Manila Standard at dating pangulo ng Defense Press Corps (DPC) at organizer ng bagong journalists self-defense group na binansagang Association of Responsible Media (ARMED).

Sinabi ni Egco na dahil sa patuloy na karahasan ng pamamaslang sa mediamen kung saan ginagamitan ang kanilang hanay ng armas upang patahimikin at nang di na maisiwalat ang katotohanan sa publiko, ay dapat matuto na ring humawak ng baril ang mediamen.

Binigyang diin pa ni Egco na ang pag-aaral na matutong humawak ng baril, maglagay ng bala at magpaputok nito ay isa lamang sa mga layunin sa pagbuo ng ARMED.

May 100 miyembro ng ARMED ang dumagsa sa firing range ng Department of National Defense kung saan sila nagsanay bumaril.

Sa buong mundo, ang Pilipinas ang maituturing na pinakamalaya sa pamamahayag pero sa likod ng mga kaganapang ito ay siyang may pinakamataas na insidente ng pagpaslang sa mga journalist.

Kamakailan ay binansagan ang Pilipinas ng New York-based Committee to Protect Journalist na pinaka-’murderous’ na bansa laban sa mediamen.

Sa tala ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), umaabot na sa 68 mediamen ang napapatay sa bansa simula ng manumbalik ang demokrasya noong 1986. Pinakamataas sa insidenteng ito ay ang kaso ng 13 journalist na pinatay noong nakalipas na 2004 habang lima ngayong taon.

Samantala, pinaplano na rin ng grupo na maglimbag ng security handbook hinggil sa mga pagbabanta sa kanilang buhay at kung paano iiwasan ang kanilang mga attackers. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments