Ito ay alinsunod sa instruction ni Justice Secretary Raul Gonzales na imbestigahan ang kontrobersyal na jueteng scandal na nagdadawit kay First Gentleman Mike Arroyo, anak nitong si Cong. Mikey Arroyo at kapatid na Cong. Iggy Arroyo.
Dahil dito, agad na inatasan ni NBI Director Reynaldo Wycoco si Region 3 Director Edward Villarata, Region 4 Director George Jularbal at Region 6 Director Lauro Reyes na hanapin ang mga personalidad na nasa kanilang nasasakupan.
Kabilang sa mga hinahanting ng NBI ay sina Mario Espinosa, dating Presidential Assistant for Bicol; Tonton Roman, umanoy anak ni dating Bataan Governor Roman; Toto Ronnie, umanoy jueteng lord sa Bataan; Art Katigbak at Alex Tang ng Camarines Norte; Zaldy alyas Tiger, Tony Santos ng Camarines Sur, Arvin Liao at Leong Lim ng Sorsogon, Gener David alyas Boy Tangkad at Sr. Supt. Pat Hernandez ng PNP-CIDG.
Inatasan din ng NBI Intelligence Service na kilalanin ang pagkatao nina B1, B2 at 01.
Tatanungin din ng NBI at kukunan ng komento, ang mga governor ng Batangas, Tarlac, Camarines Norte, Camarines Sur at vice governor ng Nueva Ecija, hinggil sa isyu ng jueteng.
Ayon kay Wycoco, mayroon ng ideya ang NBI kung sino sina B1, B2, 01 at Boy Tangkad at umaasa sila na hindi magkakaroon ng substitution sa pagkatao ng mga nabanggit. (Ulat ni Gemma Amargo-Garcia)