Driver tumestigo vs Regine

Pumirma kahapon ng affidavit ang katulong at driver ng aktres na si Regine Tolentino upang ibunyag ang ‘panloloko’ ng huli kay Celso delos Angeles, ang taong pinagkautangan niya ng milyun-milyong pisong cash at alahas.

Ayon sa driver na si Christopher Salonga, 25 anyos at may asawa, isang malaking kasinungalingan ang palabas ni Regine at ng ina nito na may sakit ang ama. "Tuwing pupunta kami kay Mr. delos Angeles, nagugulat na lang ako bakit sinasabi nila na may sakit ang daddy niya," pahayag ni Salonga.

Bukod sa kasinungalingan na mamamatay na ang ama upang maibenta ang mga alahas sa halagang P8.3 milyon, ay hindi rin ibinigay ang mga ibinentang diamond earrings at necklace sa nakabili na si delos Angeles.

Sa pahayag naman ng katulong na si Rosemarie Casil, madalas nilang nakikitang nag-iinuman si Lander Vera-Perez at ang ama ni Regine kaya salungat ang pinalalabas ng mag-ina na malubha na ang sakit sa kidney ng kanyang ama.

"dads not doin well. mom’s wid him ryt now. sh’s crying again. Awa ako sa parents ko. we’l pray now. i was just called. risa’s very affected. i’m glad her friend’s hir. mom’s a mess. dad looks
terrible," ito umano ang text message ng aktres nang kasalukuyang umuutang siya kay delos Angeles ng pera para sa umano’y naghihingalo nang ama, dahilan upang makumbinsi si delos Angeles na tumulong para mapaospital at maopera ang kanyang ama sa pamamagitan ng pagbili ng mga alahas na ibinebenta ng mag-ina sa halagang P8.3 milyon.

Show comments