184 'mutineer' laya na

Nagsigawan sa tuwa ang may 184 miyembro ng Magdalo Group na nasangkot sa Oakwood mutiny noong Hulyo 2003 upang pabagsakin ang Arroyo government matapos na iutos ng General Court Martial (GCM) na sila ay palayain mula sa pagkakapiit.

Gayunman, iginawad pa rin ng GCM ang hatol na demosyon sa mga nabanggit na sundalo.

Batay sa desisyon na binasa ni GCM acting pres. Col. Jose Recuenco, maliban sa pinakamababang ranggong Private, lahat ng akusado ay babawasan 2/3 ng kanilang basic pay sa loob ng tatlong buwan.

Ang mga akusadong Master Sergeant, Technical Sergeant, Staff Sergeant at Corporal ay na-demote ng tatlong ranggo habang ang Private First Class ay ibinaba sa Private. Ang mga akusadong may ranggong Private ay pinanatili sa ranggo subalit babawasan ng 2/3 ang kanilang basic pay ng anim na buwan.

Unang ipinataw sa mga nabanggit na enlisted personnel ang isang taong pagkabilanggo "with hard labor" subalit umapela ang defense panel na ipawalang-bisa na ito sa dahilang may 1-taon at 10 buwan nang nakakulong ang mga nasasakdal na agad namang kinatigan ng korte. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments