10 witness sa 'Ramos' hawak na

Hawak na ng Makati police ang sampung testigo na maaaring makapagbigay ng testimonya upang malutas ang kasong panloloob at pagpaslang kay DFA Assistant Secretary Alicia Ramos.

Sinisilip din ng pulisya ang anggulong ‘inside job’ dahil sa kabisado ng mga suspek ang oras ng pagbubukas ng gate ng tahanan ni Ramos at kung anu-ano ang makukuha nila dito.

Nagtatag na rin ng Task Force Ramos na binubuo ng Southern Police District (SPD), National Capital Region Police Office (NCRPO) at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Inaalam na rin ng pulisya sa Department of Foreign Affairs (DFA) kung mayroong mga sensitibong kasong hinahawakan si Ramos bilang assistant secretary for Office of Asian and Pacific Affairs.

Ayon kay NCRPO director Avelino Razon Jr., sinisilip din nila ang anggulong ‘inside job’ dahil sa kabisado ng mga suspek na tuwing alas-5:30 ng umaga ay binubuksan ng kapatid ng napaslang na si Leticia ang kanilang gate.

Sinabi pa ni Razon, alam na alam din ng mga suspek ang puwedeng makuha sa loob ng bahay ng magkapatid.

Iimbitahan ng pulisya ang katulong at driver ni Ramos para isailalim din sa imbestigasyon. Ang mga ito ay hindi stay-in sa mga Ramos.

Nakakuha naman ng fingerprints at skin shavings mula sa kuko ni Ramos ang pulisya kung kaya may indikasyon na nakalmot ng DFA official ang isa sa mga suspek.

Hinihintay naman ng pulisya ang kapatid ng napaslang na magsampa ng pormal na reklamo subalit dahil nakaburol pa ang DFA official sa Loyola Memorial chapel ay ang imbestigador na lamang ng Makati police ang magtutungo sa burol nito.

Magugunita na bandang alas-5:30 ng umaga noong Linggo ng pasukin ng may tatlong suspek ang tahanan ni Ramos sa 5552 Boyle St., Palanan, Makati.

Napag-alaman ng pulisya na pinatay sa pamamagitan ng pagsubsob sa unan si Alicia batay na rin sa nakitang specimen ng natuyong laway nito sa unan habang ang kapatid nitong si Leticia naman ay nasugatan pero nagawang makatakas.(Ulat nina Joy Cantos at Lordeth Bonilla)

Show comments