Agad na nasawi ang biktima bunga ng matinding pagkakasakal ng tuwalya na kinilalang si Asec. Alicia Ramos, 64, dating RP ambassador to Singapore ng panahong bitayin ang Pinay domestic helper na si Flor Contemplacion at ngayoy nakatalaga sa DFA-Office of Pacific Affairs.
Nilalapatan naman ng lunas sa Ospital ng Makati ang kapatid nitong si Ma. Leticia Ramos-dela Cruz, 61, director ng DFA-Office of Policy Planning.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng Makati Police, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng umaga sa bahay ng mga biktima sa #5552 Boyle St., Brgy. Palanan, nasabing lungsod.
Ayon sa salaysay ni dela Cruz, habang nagwawalis siya sa kanilang bakuran at natutulog pa sa kuwarto ang kapatid ay bigla na lamang tinadyakan ng mga di-kilalang suspek ang gate ng kanilang bahay. Tuluy-tuloy na pumasok sa bakuran ang mga suspek at mabilis na kinaladkad si dela Cruz papasok sa loob ng kanilang bahay at doon siya itinali.
Agad ding pinasok ang natutulog na RP diplomat at sinakal ng tuwalya.
Malayang kinulimbat ng mga suspek ang mahahalagang kagamitan at bago sila tumakas ay pinagwawasak pa ang kagamitan ng buong kabahayan. Hindi napansin ang nagaganap sa loob ng tahanan ng mga biktima dahil na rin sa taas ng bakod ng kanilang bahay.
Habang nakagapos ay nakakuha naman ng pagkakataon si dela Cruz na makalagan ang sarili hanggang sa siya ay unang tumungo sa St. Claires Hospital kung saan naka-confine ang kanila pang isang kapatid na babae bago magreport sa Makati Police Community Precinct 5.
Bagaman sa inisyal na pagsisiyasat ay lumalabas na pagnanakaw ang motibo, may teorya ang pulisya na posibleng inside job ang anggulo dahil nitong Biyernes ay hindi pa bumabalik ang mga katulong ng mga biktima.
Bumuo na rin si NCRPO chief Dep. Director General Avelino Razon ng isang team na tinawag na "Task Force Ramos" upang tumutok sa nasabing kaso. (May ulat ni Joy Cantos)