Binigyang-diin ni Mar Garvida, pangulo ng PISTON, may magagawa ang pamahalaan kung sinsero itong aaksyunan upang mahinto ang patuloy na taas sa halaga ng mga produktong petrolyo.
Nitong nakalipas na buwan, may 3 beses na tumaas ang halaga ng produktong petrolyo.
Sinabi ni Garvida na tuluy-tuloy na tigil-pasada ang kanilang gagawin upang maipakita sa pamahalaan ang kanilang matinding pagtutol hinggil sa oil price hike at pagbuwag sa naturang batas.
"Kung wala silang magagawang aksyon sa aming problema at hindi nila masosolusyonan, tuluy-tuloy na ang aming gagawing tigil-pasada at nakita nyo naman noong Lunes na talagang paralisado ang lahat ng transportasyon," sabi ni Garvida.
Nilinaw din ni Garvida na hindi ang fare increase ang sagot sa kanilang ginigiit dahil pabigat lamang ito sa pasahero kundi ang pagbuwag sa Oil Deregulation Law at pagtigil sa serye ng oil price increase.
Ang pahayag ay ginawa ng PISTON nang iabiso ng LTFRB na takda na nitong ipalabas ang desisyon sa P2.50 fare increase petition ng mga pampasaherong jeep.
Hindi rin ikinatuwa ng ilang militanteng mambabatas ang planong pagtataas ng singil sa pamasahe dahil lalo lamang itong magpapahirap sa mga mamamayan.
Naniniwala si Anakpawis Rep. Rafael Mariano na ang pagtaas ng pamasahe ng P2.50 ay hindi solusyon para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ani Mariano, hindi mareresolbahan ng fare increase ang problema sa pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo dahil lalo lamang lalala ang problema ng sambayanang Pilipino. (Ulat nina Angie dela Cruz/Malou Rongalerios)