Kinumpirma ni DFA Undersecretary Jose Brillantes ang panibagong pananambang sa Pinoy na kinilalang si Marcelo Salazar Jr., 46, tubong Cebu City habang sakay ng kanyang service vehicle sa Baghdad.
Naniniwala si Brillantes na iisang grupo lamang ng mga extremists ang nasa likod ng magkakasunod na pangyayari sa Iraq.
Una rito ay pinagbabaril noong Sabado ang limang OFWs kung saan ay nasugatan sina Francisco Luz at Sherylyn Fontanilla habang papasok ang mga ito sa trabaho sa duty-free shop sa Baghdad airport.
Noong Linggo naman ay pinagbabaril at napatay si Rey Torres, 32, ng San Jose, San Fernando, Pampanga habang nasa downtown Baghdad para bumili ng spare parts. Si Torres ay nagsisilbing security guard at driver ng Qatar International Trading Co. (QIT) sa loob ng Camp Victory.
Hindi pa man naiuuwi ang bangkay ni Torres nang maganap na naman ang pagbaril at pagpatay kay Salazar.
Ayon naman kay DFA spokesman Gilbert Asuque, lalong tumindi ang threat" sa buhay ng mga OFW na nasa Iraq kaya patuloy nilang hinihikayat ang may 4,000 Pinoy dito na umuwi na sa Pilipinas.
Sasagutin ng gobyerno ang pamasahe sa eroplano at iba pang gastusin ng mga OFW na nasa Iraq na nagnanais nang bumalik sa bansa.
Ayon sa DFA, sadyang may mga kababayan tayong matitigas ang ulo dahil sa kabila ng travel ban na ipinatutupad ng gobyerno ay mayroon pa ring lumulusot para magpunta sa Iraq. Kapag nagkakaroon ng problema at hindi kaagad natulungan ay pamahalaan naman ang sinisisi ng kanilang pamilya.
Sa rekord ng DOLE, lumilitaw na undocumented ang apat sa limang OFW na inambus sa Baghdad noong Sabado.
Maging ang accountant na si Robert "Bobby" Tarongoy na bihag pa rin ng mga bandidong Iraqi ay napag-alamang illegal na nakapasok sa Iraq. (Ulat nina Mer Layson at Ellen Fernando)