Susan, suko na!

Taas-kamay nang sumuko ang maybahay ng yumaong presidential candidate na si Fernando Poe Jr. na ipagpatuloy ang naiwang election protest ng asawa.

Sa 27-pahinang final manifestation na isinumite ni Susan Roces o Jesusa Sonora sa tunay na buhay, tinanggap na nito ang naging desisyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) kung saan hindi siya pinapayagan na maging kapalit o substitute sa protesta ng kanyang asawang si Da King.

Sinabi ni Roces sa kanyang manifestation na wala siyang interes pa na maghain ng motion for reconsideration sa ginawang pagbasura ng PET sa poll protest ni FPJ dahil sa pagkabigong magkaroon ng isang lehitimong substitute dito.

Inamin din ni Roces na wala nang saysay pa kung siya ay maghahabol ngunit ang kanyang pagtupad sa desisyon ng PET ay hindi nangangahulugan na tapos na ang isyu nang maanomalyang election noong 2004 kung saan sinasabi ng kampo ni FPJ na nagkaroon ng malawakang dayaan sanhi ng kanyang pagkatalo.

Kasabay nito, hindi rin napigilan si Roces na sabihin ang kanyang pagtataka sa naging desisyon ng mga mahistrado na hayaan na lamang na mamatay ang election protest ni Da King dahil sa teknikalidad.

"The Honorable court has invariably relied on a motherhood dictum - trancendental and paramount is the determination of the true and genuine will of the electorate and has almost always ruled as an consequence that technicalities must be brushed aside in the resolution of electoral contests," ani Roces.

Magugunita na ibinasura ng SC ang election protest ni Da King na ipinagpatuloy ni Roces dahil sa hindi umano "real property in interest" ang huli at walang karapatan na magsulong nito. (Ulat ni Grace Amargo-dela Cruz)

Show comments