Muling nagpulong kahapon ang mga Cardinal para sa final arrangement ng burol at libing ni Pope John Paul II at inaasahan na muling magpupulong ang mga ito ngayon at bukas.
Magtatapos ang 9 na araw na pagluluksa ng Vatican para sa pagkamatay ng Santo Papa sa Abril 11.
Abril 17 muling magpupulong ang mga Cardinal para pagbotohan kung sino ang papalit sa namayapang Santo Papa base na rin sa Vatican rules na kailangang mag-usap ang mga ito ng hindi mas maaga sa 15 araw at hindi lalampas ng 20 araw pero puwedeng mabalam ito hanggang Abril 22 kapag nahuling dumating ang mga Cardinal.
Abril 22 ang deadline ng mga Cardinal para simulang magpulong upang magbotohan para sa susunod na Papa pero kapag sa loob ng 3 araw ay wala pa ring napiling Papa ay magpapahinga muna ang mga ito para manalangin bago sila muling magbobotohan at kapag sa loob ng 12 araw ay wala pa rin silang napili ay ang makakakuha na lamang 2/3 na boto ang hihiranging Santo Papa.
Bandang alas-10 ng umaga sa Biyernes itinakda ng mga Cardinal ang seremonya ng libing para sa Santo Papa sa libingan ng mga Papa sa Vatican City batay na rin sa tradisyon at hindi sa tinubuang lupa ni Karol Wojtyla sa Poland.
Kahapon ay inilabas ang bangkay ng Santo Papa sa St. Peters Basilica para sa public viewing.
Samantala, kabilang sa mga makikipaglibing naman sa Biyernes sa yumaong Santo Papa ay sina Pangulong Arroyo, US President George W. Bush, British Prime Minister Tony Blair, French President Jacques Chirac at UN secretary-general Kofi Annan. (Ulat ni Gemma Amargo-Garcia)