Ito ang inihayag ng Department of Health (DOH) matapos lumabas ang resulta sa isinagawang pagsusuri ng mga eskperto mula sa UP Poison Management and Control Center sa mga specimen na nakuha mula sa mga nalasong estudyante.
Ayon kina Dr. Irma Makalino at Dr. Lyn Panganiban, toxicologist, Carbamate substance isang uri ng kemikal na ginagamit sa pestisidyo ang nakita nilang nakalason sa may 49 estudyante sa kanilang nasuri at hindi cyanide o organo phosphate na naunang iniulat sa mga pahayagan.
"Kase ang carbamate kapag pumasok sa katawan ng tao pinapasok nito ang RBC blood ng tao na nauuwi sa pagsusuka, pagtatae, pananakit ng ulo at pagkahilo," ani Dr. Troy Gepte, ng DOH-National Epidemiology Center na kabilang sa team ng toxicologist na magsagawa ng eksaminasyon sa mga biktimang estudyante.
Subalit hindi pa rin matukoy ng mga toxicologit kung anong klase ng pesticide ang nakalason sa mga biktima na sinasabing maaring pang-household o pang-agricultural na pestisidyo.
Naunang naiulat ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na may nakitang Racumin isang brand na panglason sa daga sa pinaglutuan ni Aling Aning Luyong, ang 67-anyos na nagtinda ng maruya sa mga estudyante na dahilan ng pagkamatay ng mga ito sa labas ng eskwelahan.
Idinagdag pa na mataas ang level na carbamate content ang posibleng kumitil sa mga estudyante at hindi ang cyanide na karaniwang makikita sa mga rootcrops gaya ng kamoteng kahoy at iba pa.
Dahil dito, pinag-iingat ng DOH ang publiko na ihiwalay ang ginagamit na pesticide sa loob ng bahay.
"This means that it is very much possible that the food was prepared in an environment that was highly toxic and contaminated with chemical poisons and bacteria. "Paliwanag ni Health Secretary Manuel Dayrit at idinagdag pa na maging maingat sa pagtatago ng mga pestisidyo sa mga kusina sa bahay.
Upang makita na walang lason ang kamote, kumain pa sa harap ng media si Health Secretary Dayrit ng cassava cake upang sabihin na ligtas ang mga rootcrops sa bansa. (Ulat ni Gemma Amargo-Garcia)