Ayon kay DepEd Usec. Jose Luis Gascon, napag-alaman nilang walang sariling canteen ang nasabing eskuwelahan at pinapayagan ng mga itong magsipasok ang mga vendor tuwing oras ng recess at binibentahan ng kung anu-anong kakanin ang mga estudyante dito.
Sa rekord ng DepEd, umaabot sa 260 estudyante ang nag-aaral sa nasabing mababaang antas na paaralan, may pitong guro at walang principal.
Lumalabas sa imbestigasyon ng DepEd na ang karamihang nagtitinda sa loob ng nasabing school ay mga magulang o kaya ay mga lola ng mga batang estudyante.
Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Arroyo si Education Sec. Florencio "Butch" Abad na tiyaking lalagyan ng malinis na canteen at first aid program ang San Jose Elementary School sa gitna na rin ng mga report na ang kinaing maruyang kamoteng kahoy ng mga bata ay nahaluan ng pesticides.
Sinabi naman ni Abad na kailangang isangkot din ang mga magulang ng mga mag-aaral sa itatayong canteen para masigurong hindi na mauulit ang trahedyang naganap sa nasabing paaralan.
Samantala, sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Dir. Reynaldo Wycoco na bukod sa una ay nagpadala pa ng NBI forensic experts sa Bohol upang mapabilis ang isinasagawang imbestigasyon sa pagkamatay ng mga bata. Kabilang sa susuriin ang mga dugo ng mga biktima at test samples ng cassava cakes upang malaman kung may kontaminado ito sanhi ng food poisoning. (Ulat nina Edwin Balasa/Lilia Tolentino/Gemma Amargo-Garcia)