Sa isang media interaction sa Dumaguete City pagkaraang bumisita sa Bohol, sinabi ng Pangulo na inatasan na niya ang mga awtoridad ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga health authorities para busisiing mabuti kung paano nangyari ang trahedya.
"I want the police to work with the health authorities to give me a detailed report on why and how this unfortunate incident happened," anang Pangulo.
Tinatayang may 30 mga batang mag-aaral ang nasawi na sa naganap na trahedya at 60 iba pang nasa mga pagamutan sa pagkakalason sa kinaing kamoteng kahoy.
Inihayag ng Pangulo na ang UP-PGH ay makikipagtulungan sa mga awtoridad sa pagsusuri kung paano nasawi ang mga bata sa kinaing kamoteng kahoy.
Ayon sa Pangulo, ang "biological sample" mula sa nasawing bata ay inilipad na patungong Maynila para masuri ang pinagmulan ng pagkakalason ng mga bata na pawang mag-aaral ng San Jose Elementary School sa Mabini, Bohol.
"I declare a state of calamity in Mabini so the local government can use 5% of their calamity fund assist the family of the victims," anang Pangulo.
Lahat anyang pamilyang namatayan ay pinagkalooban ng Philippine Charity Sweepstakes ng tig P5,000 para pampalibing at sagot din ng PCSO ang gastos sa pagkaka-ospital ng mga maysakit pang kabataan.
Mayroon anyang mga pasyenteng nailipat na sa pagamutan sa Tagbilaran at iba pang mga ospital sa lalawigan.
"I am deeply saddened by this tragedy and I condole with the families affected as well as with the people of Bohol, I pray to God that this will never happen again," anang Pangulo.
Isang fund drive din ang sinimulan ng partidong Lakas-CMD na magbibigay ng P100,000 donasyon para sa pamilya ng mga biktima ng pagkalason.
Sinabi ni House Speaker Jose de Venecia na dapat maglunsad ng isang pambansang pagluluksa sa naganap na trahedya sa mga bata.
Kaugnay nito, magsasagawa ng agarang inspeksyon ang Department of Education sa may 42,000 elementary at high school canteen sa buong bansa matapos ang insidente.
Ito ang ipinalabas na direktiba ni DepEd Secretary Florencio Abad upang hindi na maulit ang naturang pagkakalason at upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante sa kinakain nila sa school canteen.
Bukod sa inspeksiyon ay rerebisahin din ng DepEd ang mahigit na pagbabantay sa mga nagtitinda sa gilid ng mga eskuwelahan.
Samantala, nakatakdang ipa-awtosiya ng Department of Health (DOH) ang mga bangkay ng mga estudyante upang matukoy kung anong uri ng lason ang ikinamatay ng mga ito.
Ayon kay Dr. Troy Gepte, kailangang idaan sa masusing pag-aaral ang kaso ng pagkalason at susuriin din ang dugo ng halos 100 kabataan, kabilang ang 30 nasawi upang matukoy ang nahalong lebel ng lason na nakain ng mga ito.
Aniya, posibleng may naisamang organo phospate na isang sangkap ng pesticide sa giniling na kamoteng kahoy ang tinderang si Aning Luyong, 60, na kabilang din sa kritikal ngayon sa ospital matapos na kainin ang ibinebentang cassava cake.
Nabatid na 50/50 at nakaratay sa ICU ang tindera ng cassava cake matapos na kainin ang kaniyang tinda nang malaman na maraming estudyante na bumili sa kaniya ang nalason. Pinakahuling namatay sa trahedya ay apo ni Luyong.
Sinabi ni Gepte na aabot sa lima hanggang anim na araw bago mailabas ang resulta ng gagawing blood test ng mga toxicologist sa mga biktima.
Binigyan na rin ng antidote ang mga biktima tulad ng sodium nitrate upang mapigil ang pagkapit ng lason sa red blood cells at sodium dio sulfate upang matanggal sa kanilang sistema ang cyanide. (Ulat nina Lilia Tolentino, Malou Rongalerios, Edwin Balasa at Gemma Garcia)