Sa panukala ni Sen. Biazon na ID system, nakapaloob dito na dapat mayroong ID number na ang bawat sanggol na ipapanganak sa sandaling kumuha ito ng birth certificate.
Ayon kay Biazon, ang pagkakaroon ng Natl ID System ang pinaka-mabisang pamamaraan upang madaling makilala at matutukoy kung sinuman ang nais gumawa ng krimen o terorismo.
Sinabi naman ni Sen. Ramon Magsaysay Jr., hindi na kailangan ang batas para dito kundi isang Executive Order lamang ni Pangulong Arroyo na nag-uutos na ilagay sa data base ang lahat ng impormasyon mula sa ibat ibang ID na ipinamamahagi sa bansa.
Ayon kay Sen. Magsaysay, bukod sa idineklara ng Supreme Court na unconstutional ang Natl ID System ay magastos pa ito gayung puwede namang gamitin ang umiiral na ID system ng SSS, GSIS, drivers licence, school ID at ang ID na ipinamamahagi ng local government units.
Inirekomenda rin ni Sen. Ralph Recto ang paggamit ng Natl Health Insurance Card bilang pamalit sa nasabing sistema.
Aniya, hindi na umano dapat mag-aksaya ng pondo ang gobyerno sa pagtutulak ng Natl ID system dahil ang card ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) ay nakalaan sa lahat ng Pinoy.
Sa ilalim ng Republic Act 7875 na siyang lumikha sa Philhealth, lahat ng Filipino ay inoobliga na magpatala sa Natl Insurance System upang makakuha ng health benefits sa gobyerno.