Sa ginawang deliberasyon ng House committee on women sa panukalang two child policy, hiningan ni Alagad Party-list Rep. Rodante Marcoleta si Atty. Jo Imbong ng CBCP na magpakita ng kasulatan sa Bible na nagsasabing bawal ang paggamit ng contraceptive at sa pagpaplano ng pamilya.
Sinabi ni Marcoleta na lumalabas na maling impormasyon ang ibinibigay sa taumbayan ng mga taong tutol sa two child policy at family planning.
Nauna rito, tinutulan ng Simbahang Katoliko ang paggamit ng anumang uri ng artificial family planning method sa halip ay kinakampanya nito ang rhythm method bilang paraan ng birth control.
Kabilang sa mga tutol sa two child policy ang Pro-Life Philippines, Inc., CBCP at Alliance for the Family Foundation Philippines, Inc.
Nagbigay naman ng kanilang position paper sa komite bilang pagsuporta sa panukala ang League of Barangays, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Medical Association (PMA), Department of Labor and Employment-Bureau of Women and Young Workers (BWYM), National Commission on the Role of the Filipino Women, at Family Planning Organization of the Philippines.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 84 milyon ang Pinoy na siyang nakaalarma sa ilang mambabatas at mga sektor kaya ipinanukala ang 2-child policy at paggamit ng contraceptive sa kababaihan. (Ulat ni Malou Rongalerios)