Ayon kay Sen. Cayetano, chair ng senate committee on environment and natural resources, malaking panganib para sa mga residente kung bibigyan ng permiso ng DENR ang LMG Chemical para sa kanilang operasyon.
Sinabi ni Cayetano kay DENR Sec. Mike Defensor, suriin muna nitong mabuti ang nasabing planta ng kemikal upang matiyak na ligtas ito bago bigyan muli ng permiso.
Noong Agosto 19, 2001 ay namatay si Ana Cahindi dahil sa nakakalasong usok na ibinuga ng planta habang mahigit 30 katao ang isinugod sa ospital matapos malanghap ang usok mula sa LMG plant.
Nang magkaroon naman ng leak ang planta nitong Setyembre 2004 ay 29 na estudyante mula sa San Joaquin Elementary School sa Pasig City ang naospital matapos malanghap ang nakakalasong usok nito.
Ipinasara ni Mayor Vicente Eusebio ang LMG chemical plant noong Setyembre 13 at kinansela ang lisensiya nito pero may balak umanong mag-operate muli ang nasabing planta at gumagapang sa DENR para makakuha ng permit. (Rudy Andal)