Ito ang kinumpirma ni Commodore Wilfredo Tamayo ng Philippine Coast Guard-National Capital Region matapos na makatanggap ang kanilang tanggapan ng kopya ng liham ng ASG na ipinadala sa WG&A na nagsasaad ng kanilang malawakang pag-atake.
Nakasaad sa sulat na kailangang magbigay ng $1 milyon ang nasabing pamunuan sa loob ng dalawang linggo mula ngayong araw kapalit ng planong pagpapasabog sa mga barko ng Super Ferry.
Ayon kay Tamayo, ang terrorist attack ay bilang ganti umano ng ASG sa pamunuan ng WG&A dahil sa paghahain ng demanda laban sa kanila ng shipping company matapos ang malagim na trahedya sa pagkakasunog ng Super Ferry 14 noong Pebrero 2004 sanhi ng pagkamatay ng mahigit 100 katao, 44 nawawala at maraming nasugatan. (Ulat ni Mer Layson)