Sinampahan na ng kaso sa Chief State Prosecutor ng Department of Justice ang mga akusado na sina Gabil Dellosa, Alhamser Manatad Limbong alyas Hassan Kosovo; Khadaffy Janjalani; Abu Solaiman, Gamal Baharan alyas Tapay at Kasmir Doe matapos na lumabas sa pagsisiyasat ng awtoridad na sila ang responsable sa naganap na Super Ferry 14 bombing nang makakuha ng sapat na ebidensya laban sa mga ito.
Iprinisinta kahapon sa PNP-NCR headquarters nina Pangulong Gloria Arroyo, DOTC Sec. Leandro Mendoza at PNP-NCRPO chief, P/Director Avelino Razon Jr. ang dalawa sa anim na suspek na sina Dellosa at Limbong na unang nakasuhan dahil sa pagkakasangkot sa Dos Palmas kidnapping at sa pagdukot sa mga guro sa Basilan. Nahaharap rin ang dalawa sa kasong illegal na pag-iingat ng pampasabog at sa nasabing krimen.
Sinabi ng Pangulo na isa sa anim na akusado ang pumugot sa ulo ng Amerikanong si Guillermo Sobero.
Inatasan na ng Pangulo ang AFP at PNP na magsagawa ng malawakang manhunt operation upang tugisin sina Janjalani, Solaiman at dalawang kasamahan nito.
Base sa isinagawang imbestigasyon, binuo at itinanim ng mga nagpanggap na pasahero na sina Dellosa at Limbong ang timed bomb sa isang cabin ng nasabing barko habang nakadaong ito sa North Harbor at pagsapit ng alas-12:30 ng madaling-araw ng nasabing araw ay saka ito pinasabog habang lulan ang may 899 pasahero at crew nito.
Nauna sa pagsabog, isang demand letter na nilagdaan ni Janjalani ang ipinadala sa tanggapan ng WG&A na humihiling ng $1 milyon kapalit ng kalayaang makapaglayag ang mga barko nito sa Mindanao.(Ulat nina Lilia Tolentino/Ellen Fernando/Joy Cantos)