Benepisyo sa maaaksidente itataas

Sa halip na P5,000 lamang, nais ni Alagad party-list Rep. Rodante Marcoleta na gawing P50,000 ang matatanggap na benepisyo ng isang pasahero o third party na mamamatay o seryosong masasaktan sa isang vehicular accident.

Ayon kay Rep. Marcoleta, hindi na sapat ang halagang ipinagkakaloob sa ‘third party’ o pasahero ng isang sasakyan na nasasangkot sa aksidente.

Sa Section 378 ng Insurance Code of the Philippines, nakasaad dito na hindi dapat lumampas sa P5,000 ang benepisyong ibibigay sa pasahero ng isang sasakyan na mamamatay o masusugatan sa isang aksidente.

Idinagdag ni Marcoleta na hindi na naaayon sa kasalukuyang takbo ng ekonomiya ng bansa ang nasabing halaga na kulang pa para ipambayad sa ospital at pambili ng gamot.

Binatikos din nito ang napakabagal na sistema sa pagkuha ng claims ng pamilya ng mga nasasangkot sa aksidente. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments