P125 wage hike aprub sa Kamara

Aprub sa House committee on labor and employment ang dalawang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng P125-across-the-board wage increase para sa mga empleyadong nasa pribadong sektor.

Sa pinakahuling pagdinig ng komite, pinaboran ng mga mambabatas ang House Bill 234 na inihain ni Zamboanga del Norte Rep. Roseller Barinaga, chairman ng komite at HB 1063 ni Anakpawis party-list Rep. Crispin Beltran.

Ipinaliwanag nina Barinaga at Beltran na hindi na sapat ang tinatanggap na minimum wage ng mga manggagawa na umaabot lamang sa P250 kada araw.

Bagaman kung tutuusin ay talagang hindi pa rin sapat ang P125-across-the-board wage increase, kahit papaano ay makakatulong na rin ito ng malaki sa mga minimum wage earners.

Inihayag naman ni Paul Quintos, deputy executive director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER), hindi totoong maraming small and medium enterprises (SMEs) ang magsasara kapag ipinatupad ang P125 wage hike.

Ang dapat aniya’y tingnan ng gobyerno kung bakit nagkakaroon ng krisis sa mga SMEs at hindi ito dapat gawing sangkalan para hindi maipatupad ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.

Pero mahigpit na tinutulan pa rin ng Employers Confederafion of the Philippines (ECOP) ang nasabing panukala dahil lalo lamang umanong tataas ang bilang ng mga walang trabaho kapag ito’y ipinatupad. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments