Sa kanyang talumpati sa ika-50 anibersaryo ng Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc., sinabi ng Pangulo na kung hindi masisiyahan ang mga negosyante sa resulta ng kampanya laban sa pagpupuslit, plano niyang buhayin muli ang Inter-Agency Anti-Smuggling Task Force.
Sa ipinalabas na direktiba ng Pangulo kay Commissioner Jereos, sinabi niyang wala dapat sasantuhing sinuman ang pinalakas na kampanya laban sa pagpupuslit.
"They corrupt our bureaucracy, weaken your industries and deprive our treasury of much needed funds," anang Pangulo.
Sinabi rin ng Pangulo na habang nagsasagawa ang pamahalaan ng kampanya sa pagtitipid sa pondo ng bayan, kailangan ding malinis ang lipunan sa mga tiwaling tao.
Muling nanawagan ang Pangulo sa mga negosyante sa pagsuporta sa mga bagong buwis na makakalikom ng P80 bilyon sa loob ng dalawang taon matapos mapagtibay ng Kongreso.
"Our actions now will shape the future. Our sacrifices now will mean fewer sacrifices for our children and grandchildren," anang Presidente.
Sa isang hiwalay na pahayag, binati at pinuri naman ng Pangulo ang Bureau of Internal Revenue na pinamumunuan ni Commissioner Guillermo Parayno sa ipinalabas nitong warrants of garnishment sa bank accounts ng apat na pangunahing kalahok sa subasta ng mga inangkat na sasakyan sa Subic Bay Freeport Zone.
Sinabi ng Pangulo na maganda itong pagsisimula at mayroon siyang direktiba sa BIR na gamitin ang lahat nitong kapangyarihan para tugisin ang mga tiwaling auctioneers. (Ulat ni Lilia Tolentino)