'Largest human rainbow' kinuha ng PUP

Muli na namang naitala sa Guinness Book of World Records ang Pilipinas makaraang isagawa ng Polytechnic University of the Philippines ang largest human rainbow na nilahukan ng may 33,064 PUP officials, faculty, administrative personnel, mga estudyante at alumni sa Luneta grandstand.

Tinalo ng PUP ang Hongkong Polytechnic University (HPU) na may record na 11,500 participants noong October 2002 at Malta na kasalukuyang may hawak ng titulo matapos nilang higitan ang record nitong 11,750 noong November 2003 at makapagtala ng 33,064 participants kahapon.

Nabatid mula kay PUP president Dr. Samuel Salvador, personal na sinaksihan ng tatlong representative ng Guinness ang kanilang isinagawang formation at palabas sa Luneta.

Nabalot ng iba’t ibang magagandang kulay ang grandstand na parang tunay na bahaghari ng sumayaw ang mga participant sa saliw ng pop melodies tunes para ipakita ang pinakamalaki at pinakamahabang human rainbow.

Sinabi pa ni Dr. Salvador, sa pamamagitan ng human rainbow ay naipakita nila ang pagkakaisa at cooperation ng lahat ng PUPians kung saan nagmula ito sa pinakamaliit na business school noong 1904 hanggang makilala itong bilang state universities sa bansa.

Ang PUP ay pinatatakbo ng gobyerno kung saan ay napakaliit lamang ang tuition fee na sinisingil sa bawat estudyante.

Ganap na alas-5 ng umaga ng magkita-kita at magtipon ang mahigit 35,000 katao subalit ang opisyal na nakapagparehisto at sumama sa palabas ay umabot sa 33,064.

Alas-7 ng umaga sinimulan ang human rainbow formation at natapos ng alas-10 ng umaga. (Ulat ni Mer Layson)

Show comments