Finance Undersecretary nagbitiw

Nagbitiw na rin sa puwesto si Finance Undersecretary Inocencio Ferrer, Jr. bunga daw ng delicadeza para maprotektahan ang integridad ng Finance department sa mga malisyosong akusasyon.

Si Ferrer ay siya ring alternate chairman ng Special Presidential Task Force na nilikha para siyasatin at mangalap ng ebidensiya laban sa mga kompanya at opisyal na sangkot sa tax credit scam.

Inakusahan siyang sangkot sa kontrobersiya na diumano’y kakutsaba ng mga kompanyang nandaya sa buwis kaya walang nangyayari sa kaso.

Pinaratangan siyang nangotong ng P1.5 milyon sa isang witness sa tax credit scam upang makalibre sa kaso nito.

Ayon pa kay Ferrer, handa niyang harapin ang mga nag-aakusa sa kanya sa anumang forum at sa korte bilang isa nang pribadong mamamayan para idepensa ang kanyang integridad.

Bilang alternate chairman ng task force, sinabi ni Ferrer na kabuuang 932 mga kasong kriminal ang naisampa na sa Ombudsman laban sa mga sangkot sa tax credit scam at naaresto si Faustino Chinghkoe, isa sa mga sinasabing mastermind ng multi-milyong pisong tax credit scam mula 1995-1998. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments