Ayon kay Planas, hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa na pag-uukulan ito ng pansin at suporta ng pamahalaan dahil sa malaking tulong na magagawa nito sa pambansang ekonomiya.
Aniya, dapat nang kumilos ang pamahalaan hinggil sa natatanging gas-saving device dahil 10 foreign investors na ang nagpaplanong bilhin o sulutin ang Khaos Super Turbo Charger (KSTC) na kanyang naimbento.
Ang KSTC, base na rin sa paniniwala ng mga eksperto ay mabisang paraan para makatipid sa pagkonsumo sa mga de-gasolinang sasakyan lalot patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ayon kay Planas, simula nang pumasa sa Department of Energy (DoE) at bansang Taiwan ang KSTC, kabi-kabilang alok na ang kanyang natatanggap para lamang ipagbili ang "formula" ng natatangi niyang imbensiyon.
Isa sa mga bansang nagnanais na "makuha" ang KSTC ni Planas ay ang bansang Amerika. Multi-million dolyar ang alok kay Planas, maliban pa sa pag-migrate sa pamilya nito palawigin lamang ang kahanga-hangang gas-saving device sa buong Estados Unidos.
Bukod dito, "nililigawan" na rin si Planas ng mga dambuhalang kumpanya mula sa Germany, Singapore, China at anim na iba pang malalaking bansa.
Gayunman, ayaw ni Planas na tanggapin ang alok ng Estados Unidos at iba pang bansa dahil lilitaw lamang aniya na mga banyagang kumpanya lamang ang magkakaroon ng worldwide distribution ng kanyang device gaya ng mga ibang invention ng ibang Pinoy na nasulot lamang ng ibang bansa.
"Kung tatanggapin ko ang alok, hindi na kaya pang mabili ng sinumang Pinoy ang ating device dahil mga First World countries lamang ang makikinabang at may kakayahang bumili dito," ani Planas na dating jeepney driver.
Dekada 70 pa naimbento ni Planas ang Khaos at mismong ang yumaong diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos ang nag-utos noon sa Dept. of Energy at Armed Forces of the Philippines (AFP) na subukan ito.
Dahil sa naturang gadget, nakatanggap na rin si Planas ng Presidential Award of Excellence.
Ayon kay Isko Catibayan, tagapagsalita ng Inventionhaus International, direktang tulong na lang mula mismo sa pamahalaan ang kanilang hinihintay upang higit pang mapalago ang pagtangkilik sa natatanging imbensiyon.
Ang Inventionhaus International ang pangunahing manufacturer ngayon ng KSTC. (Ulat ni Ellen Fernando)