Namimiligro ang mga tinaguriang miyembro ng Spice Boys dahil posibleng gisahin sila ng mga senador kung sino ang naging kliyente ni Keanna sa hanay ng mga pulitiko noong nagtatrabaho itong escort girl.
Nabatid na isang senador ang naglalatag na ng estratehiya kung paano nila mapapakanta na parang "loro" si Keanna sa oras na humarap na ito sa imbestigasyon ng Senate committee on labor and employment na pinamumunuan ni Sen. Jinggoy Estrada.
Bukod kay Keanna, isasalang din sa imbestigasyon ng komite ang isa pang entertainment writer na nakakaalam sa mga naging kliyente ni Keana na umaming naging escort girl sa mga pulitiko at mayayamang negosyante.
Kilala ang senador na ito sa pagiging eksperto sa paghalungkat ng itinatago ng ilang government official.
Posibleng nagka-interes umano ang senador sa isyung ito dahil na rin sa nakaraang atraso sa kanya ng isang miyembro ng Spice Boys.
Magugunita na naghain ng resolusyon kamakailan si Sen. Estrada na imbestigahan ng Senado ang sinasabing escort service na ibinunyag ni Keanna kung saan kabilang sa kanyang mga kliyente ay pulitiko. (Ulat ni Rudy Andal)