Sa ulat na isinumite sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), nalamang tinangkang ipuslit ang 35,000 sako ng Jasmine, Gold Cup at Gold Medal Rice noong Abril 9, 2001 na ibinagsak sa R2 Wharf o kilala sa tawag na Pier 22, isang pribadong daungan na pag-aari ng kontrobersiyal na negosyanteng si Reghis Romero.
Sa pagsisiyasat nina Atty. Felicidad Chua, assistant chief ng Internal Inquiry and Prosecution Division (IIPD) at Eden Dandal, legal officer III ng BoC, inirekomenda sa hepe ng CIIS na kasuhan ang mga taong dawit sa rice smuggling.
Subalit sa halip na umaksiyon ang CIIS laban sa mga smugglers, sinibak sina Chua at Dandal at inilipat ng puwesto kasama si Atty. Clemente Geraldo, hepe ng IIPD na naambus nitong nakaraang Abril 1. Si Chua ay inilipat sa Special Economic Zone sa Laguna, samantala si Dandal ay napunta sa Miscellaneous Division ng Port of Manila.
Base sa rekomendasyon, pinakakasuhan ang mga empleyado ng BoC na sina Jesus Nacion, Edward dela Cuesta at Edgar Quinones dahil sa kawalan ng kakayahan at pagpapabaya sa trabaho. Kabilang din sa sasampahan ng kasong smuggling ang tauhan ng M/V Astro na pinamumunuan ni Capt./Master Jun Cortes.
Ang mga ipinuslit na bigas ay ibiniyahe mula sa San Jose, Occidental Mindoro ng Bernardo Rice Mill na naka-consigned sa Jericho Enterprises ng Gen. Trias, Cavite, subalit natuklasan ng BoC na "fictitious" ang mga nasabing establisimiyento at walang barkong dumaong sa naturang lalawigan.
Gayunman, nakakumpiska ang BoC ng may 18,310 sakong bigas pero naipuslit ang may 16,690 sakong iba pa.
Isinumite ni Dandal ang naturang ulat sa kanyang immediate superior na si Godofredo Olores na siya namang nagbigay kay BoC deputy commissioner Ray Allas na hanggang sa kasalukuyan ay wala pang napaulat na aksiyong ginagawa. Si Olores ay sinasabing nagresign din kamakailan.