Sa kanilang pahayag, sinabi ni Noemi Saludo, presidente ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na napapanahon na upang iangat ang antas ng mga magsasaka at mangingisda bilang mga kabahagi ng ekonomiya ng bansa.
Pinuri rin ng PCCI ang paghirang ni Pangulong Arroyo kay National Food Authority (NFA) Administrator Arthur Yap bilang kalihim ng Department of Agriculture at hinikayat nito ang Kongreso sa agarang kumpirmasyon.
Malaki rin ang tiwala ng pinakamalaking samahan ng mga negosyante sa bansa sa kakayahan ni Yap na pamunuan ang DA upang magsagawa ng kinakailangang reporma.
Ayon pa kay Saludo, napili ni Pangulong Arroyo ang pinakamainam na personalidad upang pamunuan ang DA dahil hawak ni Yap ang mga katangian ng isang aktibong lider tulad ng ginawa nitong pagbabago sa NFA.
Nangako rin ang PCCI na ipagpapatuloy nito ang pagbibigay ng tulong sa DA sa layuning mapataas ang produksiyon ng mga magsasaka at mangingisda.
Matatandaan na sa ilalim ng liderato ni Yap, napanatili ng NFA ang katatagan ng supply ng bigas sa buong bansa, bukod pa sa pananatili ng presyo nito sa halagang P16. (Ulat ni Angie dela Cruz)