Sinabi ni Sen. Lim sa kanyang interpolation kay Sen. Juan Ponce Enrile na upang hindi na pag-awayan ng mga miyembro ng mayorya ang pamumuno sa komite ay ibigay na rin sa mga ito ang walo pang natitirang komite na balak ipamahagi sa miyembro ng minorya.
Ito ay matapos pumalag ang minorya sa naging hatian ng komite at iginiit nito na dapat bigyan din sila ng karapatan na pamunuan ang mga komite upang makapagsilbi sa taumbayan. Wala anyang saysay ang panawagan ni Pangulong Arroyo na tumulong ang oposisyon kung mismong sa Senado ay hindi sila nabigyan ng pagkakataon.
Ayon kay Enrile, dapat isipin ng mayorya na bahagi rin sila ng Senado at hindi puwedeng lahat ng pamunuan ng komite ay mapunta sa kanila.
Lumalabas na 28 committee chairmanship ang napunta sa mayorya habang walo lang ang naiwan sa minorya at pawang mga maliliit na komite pa.
Dahil dito, sinabi ni Lim na mas makabubuti na ibigay na rin sa majority ang pamumuno sa natitirang 8 komite.
Tumayo si Sen. Biazon sa naging komento ni Lim at kinomprontra ang pananaw ng dating alkalde ng Maynila kung saan ay nais palitawin na suwapang sa paghawak ng komite ang nasa mayorya.
Napilitang suspindihin ni Senate President Franklin Drilon ang sesyon matapos magkainitan sina Lim at Biazon hanggang sa biglang tumayo si Biazon palapit sa rostrum na tila susugurin si Lim.
Nang muling magpatuloy ang sesyon ay tumawag si Lim para linawin ang kanyang naging komento. Sinabi nitong wala siyang nais patamaan at hindi niya nais palitawing suwapang ang nasa mayorya kundi naaawa siya sa iba na iisa lamang ang komiteng nakuha kaya mabuting ibigay na rin sa kanila ang 8 komite na inaalok sa minorya.
Sinabi pa ni Lim na hindi rin dapat ginawa ni Biazon ang akmang pagsugod sa kanya habang suspindido ang sesyon dahil isang "act of provocation" ito.
Napigil lamang ang muntikang pagpapang-abot ng dalawa ng umawat sina Senate Minority Leader Francis Pangilinan at Sen. Bong Revilla.
Naulinigan naman si Lim na sinabi sa kanyang mga kasamahan sa mayorya na "pare-pareho lang naman na kanin ang kinakain namin" habang papaupo na ito.
Muling tumayo naman si Biazon para hilingin na alisin mula sa record ng Senado ang sinabi ni Lim na "para hindi mag-away ang mga senador sa mayorya" pero tinutulan naman ni Enrile hanggang sa pumayag naman ito matapos makipag-usap dito si Pangilinan. (Ulat ni Rudy Andal)