No. 5 most wanted kidnapper timbog

Isa pang matagal nang pinaghahanap na lider ng kidnap-for-ransom gang ang bumagsak sa kamay ng National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) na pinamumunuan ni DILG Sec. Angelo Reyes.

Kinilala ang suspek na si Alexander Aldas alyas Ali, may patong sa ulo na P1milyon at pang-5 sa listahan ng mga pinaghahanap ng batas na lider ng Waray-Waray kidnap-for-ransom gang, ang grupong sangkot sa pagkidnap at pagpatay sa Coca-Cola executive na si Betti Chua Sy noong Nob. 17, 2003.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Arroyo ang mga mamamayan sa kanilang patuloy na pagsuporta sa kampanya laban sa kidnapping.

Sa kaso ni Aldas, ang pagkakaaresto dito ay bunsod ng impormasyong binigay ng isang nagmamalasakit na tao na nakakilala dito.

May 118 mga lider na ng kidnap gang ang nadakip at pinuri niya dito ang NAKTAF.

Dahil dito, higit pang pinalawak ng Pangulo ang responsibilidad na saklaw ng NAKTAF kung saan hindi lang kasong kidnap-for-ransom ang tututukan nito kundi iba pang krimen.

Bunga nito, ang NAKTAF ay tatawagin na ngayong National Anti-Crime Task Force.

Ipinangako rin ng Pangulo na hindi lang matatapos sa pag-aresto o pagsuko ng mga kidnaper ang isasagawa ng mga awtoridad sa ilalim ng puspusang kampanya laban sa kidnap-for-ransom gang.

Ipupursige anya sa korte ang mga kaso hanggang sa maparusahan ang mga kidnaper at masugpo ang kidnaping. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments