Ayon kay Jay Valencia, spokesman ng OFWs Laban sa Tax sa Text (OFWLaST), malaking tulong para sa mga OFW at kanilang mga pamilya ang text messaging upang manatiling bukas ang komunikasyon sa pagitan nila, at nang sa gayon ay maiwasan ang maraming social problems tulad ng kakulangan ng paggabay sa mga anak ng OFWs.
Noon anilang hindi pa uso ang cellphone ay limitado lamang ang komunikasyon ng OFWs at kanilang pamilya kaya laganap ang problema sa pagloloko hindi lang ng kanilang mga esposo at esposa kundi maging mga anak.
Pero mula nang mauso ang text message at internet karamihan sa problema ng OFWs ay nalulutas kaagad sa pamamagitan ng mabilis na komunikasyon.
Ito ang dahilan, anila kung bakit dapat pang payabungin ng pamahalaan ang pagpapalitan ng komunikasyon na ito sa pamamagitan ng pag-iwas na palakihin pa ang gastusin ng publiko patungkol sa text messaging para mapagtakpan lang ang pagkukulang nito sa pagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa.
Ani Valencia, ang mga manggagawang Pilipino ang mahigpit na tatamaan ng panukalang buwis dahil inaasahang malilimitahan ang bilang ng text message na maipapadala ng OFWs at kanilang pamilya kung papatungan ito ng 20 porsiyentong VAT o P2 tax sa bawat overseas text. (Ulat ni Lilia Tolentino)