Sinabi ni Basilan Rep. Gerry Salapuddin, marami ang mas humanga sa Pangulo dahil sa ginawa nitong paninindigan na pauwiin ang tropang Pinoy na nasa Iraq kapalit ang buhay ng isang manggagawang Pinoy.
Ani Rep. Salapuddin, bagaman at may mga Filipino na naniniwalang hindi dapat pinauwi ang contingent troop ay mas marami naman ang nakikisimpatiya kay dela Cruz at sa pamilya nito.
Ipinakita rin aniya ni Pangulong Arroyo sa makakaliwang grupo na bumabatikos sa kanya na kaya nitong isantabi ang kasunduan sa Amerika kapalit ang buhay ng isang Pinoy.
Idinagdag nito na siguradong mas matataasan ng Pangulo ang satisfactory rating niya sa isinagawang survey sa pagitan ng July 4-29 pagkatapos ng problemang kinakaharap ng gobyerno kaugnay kay Angelo.
Hindi pa man aniya nakakabalik ng bansa si Angelo ay marami na ang nagpahayag ng paghanga sa mabilis na pagkilos ng gobyerno at sa desisyon na pabalikin sa bansa ang humanitarian mission.
Tama lamang anya na nagpatupad ng news blackout ang Palasyo at umiwas na muling makuryente ng maling balita.
Samantala, upang hindi na maulit ang naging kapalaran ni Angelo ay dapat unahin ni Pangulong Arroyo ang pangako nitong lilikha ng 6-10 milyong trabaho.
Ito ang muling iginiit kahapon ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo matapos mapaulat na nais na ring bumalik sa bansa ng ilang truck drivers na nangangambang mabihag din ng mga Iraqi extremists.
Sinabi ni Ocampo na nahaharap sa malaking problema ang mga OFW na nais nang bumalik sa bansa dahil hindi sigurado kung makakakita sila rito ng trabaho upang ipambuhay sa kanilang pamilya. (Ulat ni Malou Rongalerios)