Kinasuhan sina Ramiscal, Atty. Meinrado Enrique, Atty. Manuel Satuito at Capt. Perfecto Quilicot ng 148 bilang ng estafa dahil sa pamemeke umano ng mga dokumento ng RSBS sa pagbili ng mga lupa sa Laguna, Batangas at Iloilo City.
Nabatid na bawat lupang binili sa Tanauan, Batangas ay mayroong dalawang deed of sale, ang unilateral deed of sale na may lagda lamang ng nagbenta ng lupa at bilateral deed of sale na nilagdaan kapwa ng may-ari ng lupa at RSBS na kinakatawan ni Gen. Ramiscal.
Ang unilateral ang ipinarehistro sa Register of Deeds sa Tanaun, Batangas at mas mababang presyo ang nakasaad dito samantala ang bilateral naman ay ginamit na supporting document sa General Voucher para sa pagpapalabas ng pondo mula sa RSBS dahilan sa mas mataas na presyo ang nakasaad dito. Nakasaad sa bilateral na P195,852,523 ang halaga ng lupa pero ang binayaran lamang ng RSBS sa unilateral deed of sale ay P28,225,090 lamang. Lumitaw na aabot sa P167,626,423 ang naging kickback umano ng mga nasabing opisyal. (Ulat ni Anna Sanchez)