Sinabi ni Sen. Pimentel, nakikita din niya na kaya minabuti ni Sen. Drilon na magkaroon ng term-sharing agreement kay Sen. Villar ay upang hadlangan ang ginagawang panliligaw ng huli sa 8-man member na opposition bloc na makuha ang boto nito sa Senate presidency sa sandaling magbukas ang Kongreso sa Hulyo 26.
"I am warning Sen. Villar that Sen. Cayetano did not fare very well under that term of that kind of agreement and I think that is violative of public policy. When there is horse-trading for public office, that is tantamount to selling a position," giit pa ni Pimentel.
Tinukoy din ng acting minority leader na paglabag sa public policy ang ginawa ni Drilon dahil halos ibinebenta na nito ang posisyon ng Senate presidency at hinadlangan ang miyembro ng Mataas na Kapulungan na makapili ng kanilang magiging lider.
Samantala, sinabi naman nina Drilon at Villar na bago sila bumuo ng kasunduan ay kinonsulta muna nila ang lahat ng miyembro ng mayorya kung saan ay suportado naman nila ang term-sharing na ito.
Ayon kay Villar, isinantabi nila ni Drilon ang kanilang mga personal na interes upang matuon ang liderato ng Senado sa pagbibigay ng prayoridad sa mga suliraning kinakaharap ng bansa partikular sa fiscal crisis.
"Walang naging problema sa mga grupong sumusuporta kay Drilon at sa grupong sumusuporta sa akin at hindi naman ako makuwenta sa petsa ng naging hatian namin ng termino," paglilinaw ni Villar.
Pamumunuan ni Drilon ang liderato sa unang dalawang taon at ang nalalabing isang taon ang magiging termino ni Villar bilang Senate president. (Ulat ni Rudy Andal)