Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Ricardo de Leon na lalagay sa panibagong training ang mga pulis na miyembro ng Civil Disturbance Management (CDM) Unit ng NCRPO at mula sa limang distrito ng pulisya sa Kalakhang Maynila.
Ilulunsad ngayon sa Intramuros, Maynila ang programa ng NCRPO na "Top- Cop" o Tourist Oriented Police-Community Oriented Policing upang opisyal na bigyan ng panibagong pagsasanay ang unang 1,000 mga anti-riot police.
Sinabi ni de Leon na unang isasailalim sa pagsasanay ang mga pulis na kasali sa pagbabantay sa Quirino Grandstand at ang mga nakabangga ng mga supporters ni Fernando Poe Jr. sa isang rally sa Mabuhay Rotonda.
Layunin ng programa na gawing beat patrol pansamantala ang mga anti-riot police sa mga kilalang tourist spots sa Metro Manila tulad ng Intramuros, Maynila, Makati Business Center at iba pang pasyalan ng mga dayuhan.
Isa umanong tulong ito ng pulisya upang maisulong ang 10 point program ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na mapalaki ang kita ng bansa sa pamamagitan ng pag-akit sa mga turista sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos na seguridad sa mga ito. (Ulat ni Danilo Garcia)