Ayon kay Saludo,, marami pang inaasahang pagbabago na magaganap sa Gabinete matapos ang pag-alis ni Lina sa DILG kamakalawa.
Si Lina ay nagbitiw bilang pinuno ng DILG upang tutukan ang kanyang pamilya at pinalitan naman ito ni National Anti-Kidnapping Task Force chief Angelo Reyes bilang bagong Kalihim ng kagawaran.
"Definitely we are expecting changes in the Cabinet. There was just a change in the DILG but what we think will happen here is it will be staggered," ani Saludo.
Binigyang diin ni Saludo na ang hakbang ng Pangulo ay upang panatilihing ipatupad ang paunti-unting pagbabago at hindi ang kumpletong pagbalasa na siyang parating inaasahang mangyayari sa administrasyon.
Iginiit ni Saludo na mas gusto ng Pangulo na manatili ang nakararami na kasalukuyang miyembro ng Gabinete.
Partikular na binanggit ng Pangulo na gusto niyang manatili sa Gabinete ay si Trade Sec. Cesar Purisima.
Sinabi ng Pangulo na marami sa kanyang Gabinete ang nakikiisa sa kanyang mga bisyon kaya mas naninindigan ang Punong Ehekutibo sa pagpapatuloy ng kanilang panunungkulan matapos na magpakita ng kanilang magandang nagawa sa loob ng nakalipas na tatlong taon.
Idinagdag ni Saludo na ang lahat ng opisyal ng pamahalaan na ayaw nang ipagpatuloy pa ang kanilang serbisyo sa gobyerno ay mapapalitan maliban lamang kung nais pa ng Pangulo na manatili ang mga ito sa kanilang puwesto.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na ang Pangulo lamang ang nakakaalam kung ano ang magaganap sa kanyang Gabinete.
Sinabi ni Bunye na ang mga opisyal ng pamahalaan ay nagbibigay serbisyo sa kanilang buong kapasidad at nag-aatabay lamang ng instruksiyon ng Pangulo bilang mga public servants.
"The President issued a memorandum circular that even while we tendered our resignations, we will continue to serve while she has no decision yet," ani Bunye.
Lahat ng mga na-appoint na miyembro ng Gabinete ay inaasahang magsusumite ng kanilang courtesy resignations bago matapos ang termino ng Pangulo para sa paninimula ng bagong adminsitrasyon. (Ulat ni Marvin Sy)