Ayon kay dating Rep. Simeon Garcia, chief of staff ni Sen. Jinggoy, para hindi na lumaki ang isyu ay ipinabatid nila kay Senate Secretary Oscar Yabes na para hindi na pagmulan ng sigalot ang opisina ni Kabayan ay handa na nilang ipaubaya ito kay Sen. Lacson.
"Nagpasabi na ako kay Sec. Yabes na bigyan na lamang kami ng ibang opisina at ipapaubaya na lamang namin kay Lacson ang opisina ni Kabayan dahil siya naman ang senior dito at ibang kuwarto na lamang na available ang aming kukunin," wika pa ni Garcia.
Aniya, naging interesado lamang naman sila na kunin ang kuwarto ni Kabayan dahil sa pag-aakalang walang mag-ookupa nito pero ng biglang sinabi ng mga staff ni Lacson na ipinangako na ito ni de Castro kay Lacson ay handa naman silang magbigay.
Magugunita na naging isyu ang pag-aagawan sa kuwarto ni Kabayan sa pagitan ng mga staff nina Lacson at Jinggoy hanggang sa iutos kamakalawa ni Yabes na ipadlock ito.
Ipinaliwanag pa ni Garcia, nagkaroon lamang ng miscommunication kaya inakala tuloy na nag-aagawan sila ni Lacson sa kuwartong iniwan ni Vice President de Castro. (Ulat ni Rudy Andal)